Sentro ng Wika at Kultura
Kasaysayan/Mandato ng Tanggapan
Ang opisina ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK) ay nilikha upang magsagawa, mamuno, mag-ugnay, at magtaguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapakilala, pagpapaunlad, pagpapalaganap, at preserbasyon ng Filipino at ng tatlong etnolingguwistikong wika ng Romblon – ang Asi, Onhan at Ini.
Naitatag ang Sentro ng Wika at Kultura sa Romblon State University taong 2020 sa inisyatiba at pamumuno ni Dr. Merian Catajay-Mani, pangulo ng Romblon State University. Ang pangunahing mandato ng opisina ay “isulong at payabungin ang katangiang pangwika at pangkultura ng pook na kinalalagyan nitó habang pinalalaganap ang wikang Filipino.”
Mga Layunin sa Opisina
Pangunahing layunin ng opisina ang makapagsagawa ng hakbang para sa promosyon ng wika at kultura at makapagsulong ng mga programa. Mithiin ng opisina na mapabuti ang estado nito at makapag-umpisa ng isang gallery at Museum. Hangarin din ng Opisina ng SWK ang bumuo ng aklatan na maglalaman ng mga publikasyon ng KWF at koleksiyon ng mga babasahing pangwika at pangkultura ng Romblon o Romblon Studies na aklatan.
Paglalarawan ng Opisina
Ang opisina ng Sentro ng Wika at Kultura ay siyang bubuo ng mga aktibidad o tutulong sa pagbuo ng mga ito para mapasigla ang mga gawain tungkol sa wika at kultura ng Romblon, upang makaakit ito ng pansin at pakikiisa sa loob at labas ng unibersidad, at makapaglingkod sa pangangailangan ng mga guro at mag-aaral sa Filipino at literatura at sa Romblomanon sa pangkalahatan. Ang opisina rin ang susuri at magpapatibay sa mga proyekto tungkol sa wika at kultura, magbibigay ng patnubay na teknikal sa proyekto, at mahigpit na susubaybay sa anumang proyekto na maisusulong.
Naglalatag din ang opisina ng panukalang pantaunang programa patungkol sa wika at kultura, paghahanap ng karampatang panustos kung kailangan, at pagtulong sa pag-akit at pagtangkilik sa mga programa.
Pinakahuli, ang opisina ay lumalalahok sa adyendang pampananaliksik ng unibersidad, sa mga pananaliksik at inisyatiba para sa wika at kultura ng tatlong ethnolinguwistikong pangkat ng Romblon – ang ASI, ONHAN at INI.